Monday, February 4, 2013

Pakitono ang aking Gitara

Taong 2011 nang ako ay mag-enrol sa pag-aaral ng classical guitar sa isang music center. Hinding-hindi ko makalilimutan ang aking naging guro doon. Mapayat na lalaki, nakasalamin sa mata at lubhang mahusay maggitara. Marami akong natutuhan sa kanya na classical songs. Kabilang dito ang Study in E Minor (Francisco Tarrega) na pinerform ko pa sa Robinsons Dasma Event Area (Naks!) para sa promotion ng music center at ang hinding-hindi ko makalilimutan na Spanish Romance na bago ko matutuhan ay kailangan ko pang pag-aralan at basahin ang bawat nota.

Ang hindi ko maunawaan, sa dinami-dami ng natutuhan ko sa kanya, mula sa pagbasa ng nota hanggang sa plucking pattern ng mga kantang Blackbird at Dust in the Wind ay hindi ko natutuhan mula sa kanya ang pagtotono ng gitara! Ay Naku! Alam ko na! Naaalala ko na! Pahapyaw niya lamang itinuro sa akin ito. Subalit itinuro niya sa akin ito na tama na ang tono ng gitara. Pambihira! Hindi ba dapat dibdiban niyang itinuro sa akin ito sapagkat isa ito sa mga unang nararapat na matutuhan ng isang nag-aaral ng gitara? Nararapat din na wala sa tono yung gitara tapos ituturo niya sa akin kung paano ito itatama sa tono. Isang magandang paraan din ang pagbibigay niya sa akin ng pagsasanay hinggil dito. Ok, ako na ang mahusay na guro.

Ayan tuloy, kailangan ko pang dalhin ang gitara sa aking tiyo para ipatono ito at lagi niya akong sinasabihan na "Ang galing-galing maggitara e hindi naman marunong magtono!" (Ako na ang magaling maggitara at hindi marunong magtono!). O hindi naman kaya ay hinihintay ko pa dumating ang aking tatay para maitono niya ang gitara. Bakit nga kaya hindi na lang ako magpaturo sa kanila? Sinubukan ko na yun dati pero walang nangyari. Isa na lang ang natitirang paraan. 'Ika nga ni Papa Naring, "Dapat magaling ang mga tainga mo para makapagtono ka ng gitara". Kaya naman hinihimok ko ang aking mga tainga na paghusayan ninyo ha para makapagtono na ako ng gitara. Tingnan natin ang mangyayari.

No comments:

Post a Comment